Thursday, April 08, 2010

Bangka


Bangka
Ni Jonathan Aquino

Noong ako’y 16 anyos pa lamang at kasalukuyan pang hinahanap ang aking lugar sa mundo, may isang pangyayari na nagbukas ng aking mga mata at nagbago ng aking buhay. Katatapos ko lamang ng high school sa amin sa Tarlac at nagbabakasyon sa mga pinsan ko sa Camarines Sur. Ang ikinabubuhay nila at halos lahat ng mga kalalakihan sa kanilang nayon ay ang dagat. “Itay, Inay, magfi-fisherman na lang ako tulad nina Tio Pitoy,” ang sabi ko habang nagmemeryenda kami ng pili nuts. Idinagdag ko ang mga narinig kong kwento ng mga taong yumaman dito, kasama yung isang konsehal, at sinabi kong hindi ko naman pala kailangan mag-aral pa.
           
Pag-aalala ang dumapo sa mukha na aking mga magulang. Marangal ang kanilang pagpapalaki sa akin kahit hindi sila nakapag-aral ng lubos, at ang pangarap nila para sa akin ay ang makapag-tapos. “Ganito na lang, anak,” sabi ni Itay. “Ibibigay ko sa iyo ang aking basbas ngunit sa loob lamang ng 6 na buwan. Sapat na panahon iyon upang makapag-pasya ka kung ito na talaga ang gusto mong maging buhay. Kung ito na, mag-aaral ka sa bayan sa second semester, at kung hindi naman, luluwas tayo sa Maynila upang doon ka mag-enroll. Either way, kailangan mong mag-graduate sa college.” Tulad ng lahat ng bagay sa aking ama, ito ay patas at makatwiran. Dagli akong pumayag at nagpasalamat, at nagsimulang mangarap ng aking mga haharaping mga pakikipagsapalaran.
           
Hindi biro ang buhay ng mangingisda. Nasa laot na kami una pa sa bukang-liwayway. Maghapon kaming bilad sa araw at halos madurog ang mga buto ko sa tuwing inaahon naming ang mga nahuling isda. Minsan tila may ngiti ang kalikasan at bumubuhos ang biyaya. Ngunit minsan din naman, tila wala siyang pakialam sa paghihirap namin. Wari ko ba’y alam lahat ng ito ni Itay ngunit mas ninais niyang matuto ako ayon sa sarili kong karanasan.
           
Isang umaga, nagulantang lahat kami sa pagsabog ng bangka ng pinsang kong si Orlando. Inaamin kong gumagamit kami ng dinamita, pero hindi man lang sumagi sa isip ko na may masamang mangyayari. Ang sakuna ay para lamang sa ibang tao, sabi ko sa sarili, hindi sa mga mahal ko sa buhay. Mali pala ako. Maling-mali.
           
Dalawang taon nang lumipas nang maganap ang trahedyang iyon. Nabuo ang aking pasya na mag-aral na lang sa Maynila. Dinalaw ako minsan ni Itay sa aking inuupahang boardinghouse sa Sampaloc. Ipinasyal niya ako sa Baywalk. Naglalakad kami, masaya na kapiling ang isa’t-isa. Pagdating ng hapon, hinatid ko siya sa terminal ng bus. “O, Juancho, anak,” biro niya, “siguro tapos na ang mga adventures mo ’no?”
           
“Itay,” sagot ko, “kung alam ko na noon ang mga alam ko ngayon, malamang buhay pa si Kuya Orlando.”
           
Bakas sa mukha ni Itay ang pagpigil ng emosyon. “Susulat ka palagi,” aniya. “Nangungulila na sa ’yo ang Inang mo.” Hindi ako umalis hangggang mag-biyahe na siya. Malayo na ang bus nang magsimula na akong lumakad pa-uwi.

This story originally appeared in Bagong Sibol section of Pilipino Star Ngayon



No comments: