Tuesday, October 12, 2010

Sa Bundok Ng Monte Cristo (3 Tula Mula Kay Jonathan Aquino)


Sa Bundok Ng Monte Cristo
3 Tula Mula Kay Jonathan Aquino


Tula I: Ang Pakikipagsapalaran Nina Sirena Urduja at Arkanghel Miguel

He: O binibini na karagatan,
Nais ko sanang malaman,
Maari ba –
Anak ng pating, ano ‘yan?!

She: Ay, hihihi,
Nagulat ka sa aking ka-eyeball?
We’re just Facebook friends,
Ang  kanyang ina ay dalagang bukid,
At ang kanyang ama ay sugpo!

He: Hinahanap ko ang Atlantika;
May siyokoy doon, oras na niya,
Pasaway kasi, lagot siya!

She: Xencia na po,
Hindi ako Kapuso,
Hindi rin Kapamilya;
Pero teka,
Sa bihis mong astig at tigasin,
Tulad nung guy sa bote ng gin,
Nga pala, daming basyo sa ilalim,
Kitang-kita ko,
Sasabihin ko sa iyo –

He: Ang alin?

She: Ang aking sasabihin.

He: Sabihin mo na!

She: Sasabihin ko na!
Tumahimik ka,
Uupakan kita!

He: Xencia po,
My lips are zipped!

She: Dito sa Pacifico,
EKSKLUSIBO!
Ako ang inyong naging … saksi!
O-M-G!
Wala kang brief!

He: (Blush)

She: Kung gusto mo,
May sasabihin ako sa iyo…

He: Kahit ayaw ko,
Eh anong magagawa ko?
May nakakapit sa pakpak ko
Na octopus!

She: Gusto kong mag-negosyo,
Entrepreneur, o di va?
Magtatayo ako ng junkshop,
Actually meron na –
Mula Maynila hanggang Laguna
Lahat ng basura
Sa akin ang punta!

He: Ah, mangangalakal!

She: Magbebenta rin tayo ng bakal!
Magkano ba ang isang kilo?
At ilang kilo
Ang anim na barko?

He: Aber, pag-iisipan ko,
Text kita, may signal ba dito?

She: Kita na lang tayo
Alas-onse ng gabi ng Sabado,
Pagkatapos ng Koreanovela
Na bida si Chow King Zoo!

He: Sige.

She: Weh!

He: Oo nga!

She: Hindi nga?!

He: Utak mo sardinas!

She: Siya nga pala,
Nagbabagang balita!
Ayon sa aking pusit!
Limang milya sa hilaga,
May balyena,
tapos yung balyena,
hinuli ng mga mangingisda!
Tapos yung mga mangingisda
hinuli ng Green Peace!
Tapos yung Green Peace
hinuli ng mga pirata!
Kailangan ang tulong mo!
Now na!

He: Santisima por diyos por santo!
(at lumipad na siya palayo).



Tula II: Ang Alamat Ng Engkanto Sa Bundok Ng Monte Cristo

Kaluluwang ulila sa laman,
Sumpa ng lungkot at pag-iisa
Pilit sumasanib
Sa kanyang mga panaginip;
Init ng araw at lamig ng gabi
Hindi niya nadarama,
Tila lamang kathang isip;
Ang paraiso sa kanyang paningin,
Biyaya ng mayamang kalikasan,
Ay isa na lamang alaala;

Sa itaas ng mistikong bundok,
Sa ilalim ng naghahapis na langit,
Naroon ang engkanto,
Nagmamasid sa kagubatan
Na nakalatag sa kanyang paanan;
Malakas ang ulan, tila bendisyon,
Habang sinasariwa niya
Ang mga mahiwagang awitin
Na nagbigay ligaya sa mga hari
Mula sa ibong adarna
Na ngayo’y naglaho na;  

Siya ang saksi
At bago dumating ang wakas,
Maririnig ang kanyang mga kwento,
Isasalin na mga katutubo
Sa mga darating pang lahi;
Magtatagumpay siya
Tulad ng mga bayaning prinsipe
Mula sa mga alamat;
Ngunit ngayon,
Habang lantad sa kanyang mga mata
Ang paglason sa ilog
At kamatayan ng gubat,
Ang mga dyablo ay nagdiriwang,
Mga karumaldumal na sayaw,
Tila ba inaalipusta
Ang mga shaman ng mga tribung
Kailan ma’y hindi matutuntunan;

Aagos ang kanyang dugo
Kahit siya ay imortal,
Ngunit ang mga sugat
Sa kanyang puso at isip,
Pagsapit ng takdang panahon,
Ay maghihilom;
Lahat ng mga ito ay lilipas,
Katulad ng buhay,
Ang mga ito’y mawawala,
Dahil kahit ang hatinggabi
Ay dala ang bukang-liwayway


Tula III: Ilog (May Pasasalamat Kay Og Mandino)

Malalim na ang gabi,
Kasing-lalim ng karagatan
At puno rin ng hiwaga
Na sa ating mga mata
Ay nagkukubli;
Tahimik na ang paligid,
Tayo ngayon ay nasa daigdig
Ng mga pira-pirasong diwa
Ng mga panaginip
At mga pangarap
Na nagbibigay lakas,
Na kung makakamtam
Tanging tadhana lamang
Ang nakakaalam;

Ako ay sa bintana nakatanaw,
Sa mga bituin nakatingala,
Nagbabalik tanaw,
Nagtatanong kung nasaan na
Ang mga panahong lumipas,
Tila naglaho sa isang kisapmata,
Isang kumpas
Ng isang mapagbirong nilalalang
Na may alay na salamangca;

Hindo ko lubos maisip
Na ikaw, Daniel, ay binata na,
Na sa gulang mong diez y sais
Ay isa nang ganap na artista,
Ngunit, hindi ba,
Noon pa ma’y ika’y
Tinitilian, pinagkakaguluhan,
Agaw-pansin saan man,
Palibhasa nagmana
Sa pinakamagandang babae sa tanan,
Ang iyong ina,
At syempre pa,
Sa ubod mong gwapong Papa;

Ngunit higit doon
Ako ay nananalangin, naniniwala,
Na minana mo rin mo rin
Ang ginintuang puso
At tibay ng damdamin
Ng ina mo;
Alam mo, siya ang saksi,
Aking kaagapay at kakampi
Sa lahat ng pagsubok
At pakikipagsapalaran sa mundo
Ng isang tulad ko,
Isang mahirap na musikero,
Pilit hinahanap ang tuwid na landas
Patingo sa buhay na matiwasay,
Takot sa Diyos ang tanging gabay
Upang maging marangal,
Upang maging karapat-dapat
Sa respeto at pagmamahal
Ng aking mga mahal sa buhay;

Marahil ay limot mo na
Noong bata ka pa,
Binawalan kita
Na maglaro sa ilog,
Ngunit isang araw,
Aking utos iyong sinuway
At ika’y nahulog,
Muntik nang malunod,
Umiiyak ka nag kita’y
Aking sinagip,
Nakita mo aking galit
At ika’y nangako
Na hindi na mauulit,
Na sa lahat ng aking sasabihin,
Ikaw na ay makikinig;

Ngunit hindi mo nakita,
Ito’y aking sinadyang kinubli,
Ang aking mga luha,
Nang tayo’y nakauwi na,
Nanginig ang aking kalamnan,
Alam ko na hindi kailanman
Aking makakaya
Na sa buhay ko ay mawala ka;

Napakarami mong tanong
Mula pa noon:
Ano ba ang ecosystem,
Climate change at precipitation,
Pilit kong sinasagot,
Kung ‘di ko alam, sabay tayo
Nagbabasa sa encyclopedia;
Ngunit kaninang umaga
Mayroong isa
Na hindi ko masagot,
Dahil walang mga kataga
Ang sapat ipaliwanag
Aking nadama;
Kaninang alas-otso
Papunta ko sa studio
Nang ako’y iyong ginulat,
“Happy Fathers Day!”
hinagkan at niyakap;
ako’y nabigla, natuwa,
sabi ko sa iyo thank you,
at baka tanghaliin na ako,
naghihintay ang trabaho;
daglianj akong lumabas ngunit,
sa harap ng ating tahanan
ako ay natulala,
muli akong pumanhik,
lumapit sa iyo
at niyakap ka nang mahigpit,
doon ka nagtanong,
“Itay, bakit ka umiiyak?”

Kanina lang ako’y nanggaling
Sa iyong silid, nagmamasid,
Bantay sa iyong paghimbing,
Tumatakbo ang isip:
Nandoon ako
Nang sa paligsahan ng musika
Ako’y unang nagtagumpay,
Nang unang isalin sa plaka
Ang aking mga katha,
Nang ang mga ito
Ay nagkamit ng parangal;
Ngunit wala ako
Noong graduation mo
Bilang valedictorian,
Noong mapili kang makasama
Sa pelikula ni Vilma;
Patawarin mo ako, anak,
Labag sa loob ko
Ang mawala sa mga panahong
Mahalaga sa buhay mo,
Pangako ko
Magmula ngayon,
Sa piling ng isang ama
Hindi ka na mangungulila.



5 comments:

Jonathan Aquino said...

Photo courtesy of Desert Saints

livingstain said...

nice poem, good luck

Jonathan Aquino said...

Salamat, maraming salamat. Good luck din sa yo bro

bernardumali said...

Binabati kita, ang iyong akda ay napili at napabilang na isa sa mga top 6 finalists ng Saranggola Blog Awards sa kategoryang tula!

Jonathan Aquino said...

Marami pong salamat